Tagaktak ang pawis
Na tilang pinturang dugo
Sa mukha.
Kung hindi nagdidilim,
Nagniningas naman
Ang paningin.
Kamatayan,
Kailan mo ba ako
Sisingilin?
Naidantay na
Sa mahiwagang puno
Ang mga sandata.
Nakabigti na rin
Ang putol na lubid
Sa sanga.
Mag-guguhit ako
Nang nakadilat
Sa dilim
Habang kumakawala
Ang mga alitaptap
Sa kawalan.
Ikukumpisal ko
Sa balon
Ang mga kasalanan
Ngunit kailanman
Hindi na babanggitin
Ang iyong pangalan.
Bahala na ang uwak
Na dagitin
Ang kaibuturan.
Carlomar Arcangel Daoana
